Today's Headlines

INQUIRER.net Breaking News

Bulatlat.com

BusinessWorld Online

Manila Bulletin

Business Mirror

Philippine Star - Opinion

Inquirer Opinion

Saturday, August 8, 2009

pakikialam ng Malakanyang sa Gawad Pambansang Alagad ng Sining

Nakikiisa si Congressman Teddy Casiño ng Bayan Muna Partylist sa 'pagluluksa' ng mga alagad ng sining sa simbolikong pagkamatay ng Gawad Pambansang Alagad ng Sining dahil sa maanomalyang paggawad ng parangal na ito ngayong taon.

"Ang naglalagablab na kontrobersiyang ito ay dapat imbestigahan ng Kongreso. Mahalagang malaman natin ang tamang proseso sa pagpili ng National Artists at ang hangganan ng 'presidential prerogative' na kaugnay nito," pahayag ni Casiño.

Ayon kay Casiño, "maitutulad natin ang kontrobersiyang ito sa pakikialam ng lideratong Arroyo, ng Palasyo ng Malakanyang, sa proseso ng Judicial Bar Council (JBC) sa pagpili ng kapalit ng dalawang magreretirong Supreme Court Justices."

"Sa pakikialam ng Palasyo, kitang-kita ang kawalang-respeto ni Pang. Arroyo sa demokratikong proseso, maging sa pagpili at paggawad ng parangal sa Order of National Artists (dating National Artists Awards)," dagdag pa ni Casiño.

Ito ang tugon ni Casiño sa mga inihayag sa kanya ng mga miyembro ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA) na kalahok sa screening committee.

Sinabi ni Casiño na "Panahon na rin upang ating pag-aralan kung mas maiging gawan ng naaangkop na batas para dito upang maiwasan ang kahalintulad na kalituhan at kontrobersiya."

Maghahain si Casiño ng angkop na resolusyon sa Kongreso pagbalik niya mula sa Cebu at South Cotabato, matapos ang kampanyang “Atras Con-Ass” dito kasama si Bayan Muna Rep. Satur Ocampo.

Ang Dalawang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, sina Dr. Bienvenido Lumbera at Rio Alma, kasama ang dekano ng UP–Mass Communication, si Rolando B. Tolentino, ay ilan sa mga kilalang mariing tumututol sa pakikialam ng Palasyo.

Ang mga grupong bumabatikos sa ‘kamay ni Pangulong Arroyo’ sa proseso ng pagpili sa Order of National Artists 2009 ay pinangunahan ng Concerned Artists of the Philippines (CAP), Sinag Bayan, Sining Bugkos, Musicians for Peace, Ugat Lahi Artists Collective, Tudla Productions, University of the Philippines – College of Mass Communication, Film Institute at Department of Visual Communication ng College of Fine Arts.